‘Vote Wisely!’
Ang mga katagang ito ay palagi nating naririnig tuwing eleksiyon. Ngunit ibinoto nga ba ng mga tao si Wisely?
Dalawang araw bago mag-eleksiyon, napatigil ako sa isang karenderya, malapit sa high school dito sa amin, harap ng sementeryo. Nakipag-kuwentuhan ako sa may-ari ng kainan at sa sekyu ng iskuwelahan.
Maya-maya pa, may dumating na berdeng owner-typed jeep, sakay ang isang lalaki na sa tantiya ko ay nasa singkuwenta pataas na ang edad. Maganda ang kanyang sasakyan. Kahit owner-typed jeep lang, maayos ang katawan nito at lowered. Bumaba ang lalaki at pumunta sa amin, nagtanong kung saan makikita ang namimigay ng perang pambili ng boto. Walang nakaka-alam. Umupo ang lalaki at nagtanong kung magkano ba ang ipinamimigay. Walang nakaka-alam, baka nasa 500 daw, sabi ng sekyu at may-ari ng kainan.
Kinalaunan, tinanong ko ang lalaki kung nagustuhan niya ba ang kalakaran ng pamimili ng boto. Sabi niya, kung tutuusin hindi raw niya talaga nagustuhan, pero wala na raw siyang magagawa dahil kultura na raw ‘yan. Tinanong ko siya kung sa palagay niya ay may pag-asa pang mabago ang kulturang ito, sabi niya ang tangi lang pag-asa ay papatayin ang lahat na tao na ang edad ay lampas limang taon.
Dito sa amin, Pangalawang Distrito ng Iloilo, dalawa ang matunog na pangalang humahangad sa puwestong depotado: Arenas at Syjuco. Si Augusto “Boboy” Syjuco ay dating depotado at dating sekretaryo ng TESDA. Si Ramoncito “Citoy” Arenas ay wala akong halos alam, maliban sa anak siya ni Baby Arenas na tini-tsismis na kabit ni FVR. Kahit minsan hindi ko narinig ang boses ni Arenas, kahit sa radyo man lang dahil ang nangangampanya para sa kanya ay ang kanyang asawa. Kung tutuusin ang tinatakbuhan ni Arenas ay depotado na ang pangunahing trabaho ay magbigay boses sa mga adhikain para sa kanyang distrito. Na-isip ko nga na kung ang asawa niya ang tumatakbong depotado baka sakaling iboboto ko pa. Pero, ganun pa man, nakakuha si Arenas ng mahigit dalawampung libong boto, si Syjuco mahigit apatnapung libo. Talo si Arenas, pero paano nagkaroon ng mahigit dalawampung libong boto ang taong hindi nga naririnig at hindi kilala? Kung sabagay wala akong ibinoto sa kanilang dalawa.
Sa pagka-pangulo, mukhang mananalo na si Aquino, ang pinaka-least qualified sa lahat na presidentiable kung pag-uusapang ang credentials ( https://learningtagalog.com/ph/2010pc.html ). Kung sabagay ang pinaka-kailangan naman sa isang lider ay ang matinding malasakit para sa bayan. Pero, may matinding malasakit ba si Noynoy sa bayan? Tingnan na lang natin kung ano ang nangyari at kung ano ang ginawa ni Noynoy sa Hacienda Luisita Massacre.
Pumapangalawa kay Aquino si Erap, babaero, sugarol, ex-convict, nahusgahang nagkasala sa salang ‘plunder’. Ang ‘plunder’ ay ang pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Pumapangatlo si Villar, ang taong nag-convert ng maraming palayan upang gawing housing project para sa mga mayayaman. Dito sa Iloilo, ang Savannah ay dating 300+ na first-class irrigated Riceland. First-class dahil patag na patag at irrigated. Dahil dito, maraming magsasaka ang nawalan ng sakahan at malaki ring produktong palay ang nabawas sa produksiyon ng Pilipinas. Kaya ang pag-convert ng mga palayan upang gawing subdibisyon ay isa sa mga dahilan kung bakit umaangkat ngayon ng bigas ang Pilipinas at dahil nga dito tumataas ang presyo ng bigas. Ngunit ganun pa man, sinabi ni Villar na siya ay pro-poor at pro-environment.
Ibinoto nga ba ng mga Pilipino si Wisely? Ewan. Tanging kasaysayan lang ang makapagsasabi. Pero kung ibinoto ng mga Pilipino ang mga kandidatong mas kwalipikado sa kredensyal at paninindigan – tulad nina Nick Perlas at J.C. de los Reyes – maging mas maganda kaya ang lagay ng Pilipinas? Ewan rin. Dahil ang lahat ay mananatili na lamang na isang haka-haka.
Saturday, May 15, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment